Dementia: Ano ang Dementia at Ano ang Ibig Sabihin Nito? (Dementia: Is This Dementia and What Does It Mean?)

Printer-friendly version

Panimula

Ano ang ibig sabihin ng isang tao na may dementia? Para sa ilang tao, kapag narinig nila ang salitang ito, ang naiisip nila ay “baliw” na pag-uugali  at kawalan ng kontrol. Sa totoo, ang salitang dementia ay naglalarawan ng pinagsama-samang sintomas na kinabibilangan ng short-term memory loss o pagkawala ng alaala sa maikling panahon, pagkalito, kawalan ng kakayahan na solusyunan ang problema, kawalan ng kakayahan na kumpletuhin ang gawain na binubuo ng maraming hakbang katulad ng paghahanda ng pagkain o pagba-balanse ng checkbook, at kung minsan, pagbabago sa personalidad at kakaibang pag-uugali  o pagkilos.

Kapag sinabing may dementia ang isang tao, hindi naman ito nagbibigay ng impormasyon kung bakit nakararanas ng mga sintomas na ito ang taong iyon. Ikumpara ito sa taong may lagnat: ang tao ay maysakit dahil sa lagnat ngunit ang hindi ipinapahiwatig ng mataas na temperature ng katawan ay kung ano ang dahilan at bakit maysakit ang tao.

Nangangahulugan ba na dementia ang anumang pagkawala ngmemorya? Hindi ba’t bahagi ng pagtanda ang pagkawala ng memorya? Lagi nating naririnig na kapag matanda na ang isang tao, ang problema sa memorya ay “natural lang” na problema at dapat itong i-expect o asahang mangyayari. Ngunit alam natin na ang grabeng pagkawala ng memorya ay hindi bahagi ng pagtanda, at hindi ito dapat ipagsawalang-bahala.

Sa kabilang dako, maaaring isipin ng mga kapamilya ng tao na ang kapansin-pansing pagkawala ng kanyang memorya ay maaaring dulot ng sakit na Alzheimer. Sa maraming pagkakataon, Alzheimer ang totoong problema. Ngunit may mga kalagayan din na maaaring magdulot ng problema sa memorya at pag-iisip na ganon katindi upang mapigilan ang paggawa ng mga pang-araw-araw na gawain. Ang mga kalagayang ito ay maaaring makaapekto sa mga mas batang tao at maging sa mas matatanda. Kailangan ang malinaw na diagnosis.

May mga kalagayan na maaaring magdulot ng reversible dementia. Kabilang na sa mga ito ang epekto ng gamot, depression, kakulangan sa vitamin, at problema sa thyroid. Mahalaga na maagang matukoy ang mga kalagayang ito at gamutin nang tama upang mag-improve o umigi ang mga sintomas.

Ang mga irreversible na dementia o hindi na magagamot ay tinatawag na degenerative dementia, at ang sakit na Alzheimer ang pinaka-karaniwan sa mga ito. Gayunpaman, marami sa iba pang degenerative dementia ay mukhang Alzheimer, ngunit may pambihira at kakaibang katangian ang mga ito na nangangailangan ng espesyal na atensyon at ibang uri ng paggagamot.   Ang mga sumusunod ay  mas detalyadong paglalarawan sa mga reversible at irreversible dementia.

Kahalagahan ng Pagkakaroon ng Diagnosis para sa Dementia

Ang resulta ng pagsusuri ng dementia ay nangangailangan ng kumpletong medical at neuropsychological evaluation. Ang proseso ay nagsisimula sa pamamagitan ng pag-alam kung may problema sa pag-iisip ang tao at kung gaano kalala ito. Ang sunod na hakbang ay alamin ang dahilan nito upang mairekomenda ang wastong pagpapagamot o treatment at mabigyan ng pagkakataon ang mga pasyente at caregiver nila na makapag-plano sa hinaharap.

Ang medical evaluation o medikal na pagsusuri ng dementia ay kadalasang kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Pagrepaso sa medical history o pagsisimula ng mga sintomas: Ang mga tanong na maaaring itanong sa iyo o sa kapamilya mo na maysakit ay kinabibilangan ng: Anong mga problema ang nakita mo? Ano ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring naganap? Gaano na katagal mula nang magsimula ang sintomas? Paano ito nakakaapekto sa kakahayahan ng tao na ipagpatuloy ang kanyang pang-araw-araw na buhay? Dahil maaaring hindi matandaan nang maayos ng taong ine-evaluate ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari o kaya ay maliitin o i-underestimate o hindi masyadong bigyan ng halaga ang problema, maaaring samahan ng caregiver o sinuman na kilalang mabuti ang pasyente at magbigay ng impormasyon sa doktor at nurse.
  • Medical history at medication: Ito ay magbibigay ng impormasyon tungkol sa kalagayan na maaaring magpahiwatig ng mas mataas na panganib o risk sa isang partikular na uri ng dementia o alamin ang mga gamot na ininom na maaaring maging sanhi ng problema sa pag-iisip. Maging sa sitwasyong ito, sa appointment niya, mahalaga na samahan ang pasyente ng isang tao na maaaring makapagbigay ng tamang impormasyon.
  • Neurological exam: Ang neurological exam ay nakatutulong upang alamin ang mga sintomas na maaaring makikita sa mga partikular na uri ng dementia at iba pang kalagayan na maaaring nagpapataas ng panganib o isk ng pagkakaroon ng problema sa pag-iisip, katulad ng stroke o Parkinson’s disease.
  • Pagsusuri sa laboratoryo para masiguradong walang kakulangan sa bitamina  o walang metabolic conditions: Bagama’t hindi ito karaniwan, kung minsan, ang simpleng kakulangan sa bitamina, impeksyon o kawalan ng hormone imbalance ay maaaring maging dahilan ng mga sintomas ng problema sa pag-iisip. Kabilang sa mga ito ang thyroid imbalances, Vitamin B12 at syphilis. Bukod dito, maaaring makita sa ilang pagsusuri sa laboratoryo o laboratory tests ang mga kalagayan na maaaring magdagdag ng panganib o risk upang magkaroon ng dementia ang isang tao, katulad ng mataas na kolesterol at presyon ng dugo.
  • Brain imaging: Ang CT scan o MRI ay isinasagawa upang suriin ang anatomya o ng utak upang makita kung may mga pangyayari sa utak na maaaring maging dahilan ng pagbabago sa pag-iisip ng tao, katulad ng stroke o tumor sa utak. Nalalaman din sa mga tests na ito ang laki ng utak at mga pagbabago sa blood vessel na maaaring masubaybayan.
  • Mental status testing (tinatawag ding cognitive o neuropsychological testing): Ang mga tests na ito na gumagamit ng lapis at papel ay isinasagawa upang suriin ang iba’t ibang bahagi ng kamalayan ng tao, katulad ng memorya, lenggwahe, pagtugon sa suliranin o problem-solving at judgment o kakayahang magdesisyon. Ang mga resulta ay ginagamit upang ikumpara ang isang tao sa ibang tao na may katulad na edad, edukasyon at ethnicity o lahi, upang makita kung saang lugar ng utak merong problema at kung gaano kalala ito.

Ang proseso sa pag-diagnose ng dementia ay nagiging mas tumpak o wasto  sa mga nakaraang taon, at nagagawang i-analyze ng mga espesyalista ang napakaraming impormasyon at alamin kung merong problema, gaano kalala ito at kadalasan, maging ang dahilan ng dementia. Kung minsan, maaaring ito ay kumbinasyon ng iba’t ibang sanhi, o kaya maaaring mas tumagal ang pagsubaybay o pagmo-monitor ng tao upang masigurado ang diagnosis niya. Sa pag-alam kung ang dahilan ng dementia ay reversible o irreversible ang magiging batayan sa uri ng paggagamot at pag-aalaga na kakailanganin para sa pasyente, at sa pamilya niya.

Reversible Dementia

Ang paghina ng kakayahang mag-isip ay maaaring sanhi ng iba’t ibang mga sakit at disorder sa mga matatanda. Maaaring magdulot ng pagbabago sa mental status ng tao ang isang sakit o/at reaksyon ng katawan niya sa gamot. Ang mga ito ay tinatawag minsan na “pseudodementia.” Sa pag-alam ng mga sanhi ng pagbabago sa pamamagitan ng medical evaluation, maari ring malaman kung ang sanhing ito ay reversible o maaaring gamutin. Ang mga halimbawa ng mga kalagayan na maaaring maging sanhi ng reversible o maaaring gamutin na sintomas ng dementia ay:

  • Reaksyon sa gamot: Ang matinding reaksyon sa gamot ang isa sa mga pinaka-pangkaraniwang dahilan kaya nakakaranas ang mga matatanda ng mga sintomas na kahawig ng dementia. Dapat i-monitor ng doktor ang lahat ng gamot, prescription, over-the-counter pills at mga herbal medicines upang mabawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng side effects.
  • Problema sa endocrine system: Ang pagbaba o pagtaas ng thyroid levels, problema sa parathyroid o adrenal abnormalities ay maaaring maging sanhi ng pagkalito na kahawig ng dementia.
  • Metabolic problems: Ang pagkalito at mga pagbabago sa gana sa pagkain, pagtulog at emosyon ay maaaring sanhi ng mga medical condition katulad ng kidney at liver failure, electrolyte imbalances (level ng mga elemento ng dugo), hypoglycemia (mababa ang blood sugar), hypercalcemia (mataas ang calcium) at sakit sa atay at pancreas.
  • Emotional distress Ang depression o malalaking pagbabago sa buhay katulad ng pagretiro, divorce o pagpanaw ng mahal sa buhay at maaaring makaapekto sa pisikal at mental na kalusugan ng tao. Dapat na ipaalam sa doktor ang mga malalaking nakababahalang  pangyayari sa buhay.
  • Paningin at pandinig: Ang mga problema sa paningin at pandinig na hindi napapansin ay maaaring magdulot ng maling pagsagot at maaaring maling pahiwatig o ma-misinterpret. Dapat na isagawa ang mga hearing at eye exam.
  • Impeksyon: Ang pagkalito ay maaaring sintomas ng isang impeksyon at dapat na ipaalam ito sa doktor.
  • Nutritional deficiencies: Ang kakulangan sa B vitamins (folate, niacin, roboflavin at thiamine) ay maaaring sanhi ng problema sa pag-iisip.

Mga Degenerative (Irreversible) Dementia

Kapag napatunayan na hindi reversible dementia ang sakit at lumabas na may degenerative o irreversible dementia ang pasyente, napakahalaga na alamin ng pamilya at doktor ng pasyente ang dahilan ng problema. Ito ay makatutulong upang masiguro na ang pasyente ay nakatatanggap ng wastong medical care, at maaaring i-plano ng pamilya ang pag-aalaga sa kanya at humanap ng angkop na tulong at mga mapagkukunan o resources.

Ang mga sumusunod ay mga pinakapangkaraniwang degenerative dementia:

  • Sakit na Alzheimer: Ang sakit na Alzheimer ang pinakapangkaraniwang dahilan ng dementia sa mga taong may edad na higit sa 65 taon, kahit pa maaaring mangyari rin ito sa mas mga nakababata. Ang Alzheimer ay nakakaapekto sa humigit-kumulang 50 porsyento ng mga pasyenteng may edad na higit 85 taon. Sa ngayon, hindi pa matiyak ng mga researcher kung ano ang sanhi ng sakit na ito, at walang gamot para dito. Ang mga sintomas ay magkakaiba sa bawat tao, ngunit ang paghina ng memorya, kakayahang mag-isip at kakayahang gumawa o mag-function ay dahan-dahang lumalala sa pagdaan ng panahon, hanggang maging malala na ang pagkawala ng function.
  • Ischemic vascular dementia (IVD): Ang IVD ang pangalawang pinakapangkaraniwang uri ng dementia, at ito ay makikita sa biglaang pagkawala ng kakayahang mag-function o dahan-dahang paghina ng mga kakayahang mag-isip na nakakaapekto sa tinatawag na “executive functions” katulad ng pagpla-plano at pagkumpleto ng mga gawain. Kadalasang nakararanas ng stroke ang tao kapag biglang nagkaroon ng mga sintomas.  Sa iba, ang sakit ay dahan-dahang lumalala kasabay ng dahan-dahang ding pagkawala ng kakayahang gumawa at/o mag-isip.
  • Dementia with Lewy bodies (DLB): Ang dementia with Lewy bodies ay isang degenerative disease na dahan-dahang lumalala at may sintomas na katulad ng sakit na Alzheimer at Parkinson. Ang mga taong naaapektuhan ng sakit na ito ai may mga sintomas kung saan behavior at memorya nila nagbagu-bago at may motor problem din sila na pangkaraniwang nakikita sa sakit na Parkinson.
  • Frontotemporal dementia (FTD): Ang FTD ay isang degenerative condition o sakit sa harapang bahagi ng utak, na makikita minsan sa mga brain scan. Ang frontal and anterior temporal lobes ng utak ang kumukontrol o pangangatwiran, personalidad, paggalaw, pagsasalita, lenggwahe, social graces o pagiging magalang sa pakikisalamuha, at ilang bahagi ng memorya. Ang mga sintomas nito ay maaaring maling mai-diagnose bilang psychological at emotional problem. Ang FTD ay kadalasang nangyayari pagkatapos ng maabot ang edad na 40 taon at bago ang umabot sa edad na 65 taon. Ang mga sintomas ay makikita sa animo’y dalawang magkasalungat na paraan: may mga tao na overactive, hindi mapakali, distracted at hindi makapagpigil sa sarili (may mahinang social judgment), samantalang ang iba ay walang pakiramdam (apathetic), hindi gumagalaw at walang emosyon.
  • Creutzfeldt-Jakob disease: Ang Creutzfeldt-Jakob disease (CJD o Jakob-Creutzfeldt disease) ay isang sakit sa utak na mabilis lumala at nakakamatay. Bahagi ito ng pamilya ng mga sakit na tinatawag na transmissible spongiform encephalopathies, na dala ng agent na kilala bilang prion (“pree-on”). Ang sakit na ito ay maaaring napakahirap i-diagnose dahil marami itong magkakaibang sintomas, katulad ng pagbabago sa behavior, pagbabago sa paggalaw, pagbabago sa pag-iisip at pangkalahatang pagbabago sa kalagayan ng tao katulad ng problema sa pagtulog, kawalan ng gana sa pagkain at pagsakit ng ulo.
  • Parkinson’s dementia: Ang Parkinsonism ang tawag sa magkakasamang sintomas at senyales katulad ng panginginig, stiffness o paninigas ng katawan, mabagal na pagkilos at nabubuway na paglakad. Marami sa mga neurological disorder ang may mga katangian ng parkinsonism, kabilang na ang marami sa sakit na dementia. Kapag ang Parkinsonism ay nangyayari na wala namang abnormalidad sa utak at wala ring nakikitang sanhi, ang tawag dito sa karamdamang ito ay Parkinson’s disease mula sa isang English physician na unang nagbigay ng buong paglalarawan nuong taong 1817. .
  • Progressive supranuclear palsy (PSP): Ang mga taong may PSP ay kadalasang nakararanas  ng tatlong grupo ng sintomas, kasama na ang dahan-dahang pagkawala ng balanse at hirap sa paglalakad, kawalan ng voluntary control sa paggalaw ng mata, at dementia. Bagama’t ang mga katangiang ito ay itinuturing na palatandaan ng PSP, nakararanas rin ang mga pasyente ng sakit na ito ng ibang sintomas na karaniwang makikita sa mga degenerative diseases ng utak katulad ng hirap sa pagkilos, pagbabago sa behavior at hirap sa pagsasalita at paglunok. At dahil hindi pangkaraniwang ang sakit na ito, madalas na maling nada-diagnose ang PSP bilang sakit na Parkinson. Gayunpaman, ang paggagamot at ang clinical symptoms nito ay iba, kaya napakahalaga ng wastong diagnosis.
  • Normal pressure hydrocephalus (NPH): Ang nabubuway na paglakad, hindi mapigil ang pag-ihi at dementia ang mga palatandaan at sintomas na karaniwang makikita sa mga pasyente na may NPH. Itinuturing ito na hindi karaniwang sanhi ng dementia at kadalasang nakakaapekto lang sa mga taong may edad na higit sa 60 taon. Mahirap malaman kung gaano karami ang mga taong may NPH dahil ang sakit na ito ay walang pormal at sinasang-ayunang definition. May mga doktor na ibinabatay lang kanilang diagnosis sa radiographic evidence; may mga health care professionals naman na mas ginagamit ang clinical na sintomas sa diagnosis. Gayundin, may ilan na ginagamit ng kumbinasyon ng mga palatandaan at sintomas na napatunayan nilang reliable o mapapakatiwalaan. Ang treatment ay karaniwang ginagawa sa pamamagitan ng implant o paglalagay ng shunt upang mabawasan ang presyon na dala ng buildup o pagdami cerebrospinal fluid.
  • Huntington’s disease (HD): Ang sakit na Huntington ay isang nakamamatay na sakit at ang karaniwan nitong katangian ay ang involuntary movements o hindi mapigilang paggalaw ng bahagi ng katawan (chorea) at paghina ng kakayahang mag-isip o cognitive decline (dementia). Ang sanhi nito ay isang genetic mutation o pagbabago sa genes na maaaring ipasa mula sa isang henerasyon papunta sa isa pang henerasyon. Ang HD ay isang sakit na may malubhang neurological at psychiatric na katangian na nakakaapekto sa ilang bahagi sa pinakaloob ng utak, lalo na ang basal ganglia na siyang kumokontrol sa mahahalagang function katulad ng paggalaw at koordinasyon. Ang mga bahaging kumokontrol sa pag-iisip, perception o pagdama, at memorya ay naaapektuhan din, malamang dahil sa mga koneksyon ng nerves mula sa basal ganglia papunta sa frontal lobe ng utak. Dahil dito, maaaring makaranas ang mga pasyente ng hindi mapigilang paggalaw (katulad ng pamimilipit at pag-ikot), kawalan ng kakahayang mag-isip at mga problema sa emosyon at behavior.
  • Magkahalong dementia: Kung minsan, dalawa sa mga sakit na ito ay naghahalo. Karaniwang makikita ito sa sakit na Alzheimer at vascular dementia, at sa sakit na Alzheimer at Lewy bodies dementia.

 

Paggagamot sa Dementia

Walang lunas para sa mga degenerative o irreversible dementia, kaya ang paggagamot ay nakatuon upang i-maximize o maabot ang pinakamataas na kakayahan ng maysakit na mag-isip at mag-function. Ang mga specific na treatment sa dementia ay magkakaiba depende sa sanhi ng dementia. Halimbawa, para sa mga pasyenteng may sakit na Alzheimer at Lewy body disease, may mga gamot na available upang pabagalin ang paghina ng memorya at i-improve ito. Ang mga gamot na ito ay kilala bilang cholinesterase inhibitors at nakikitang epektibo ito sa ilang mga pasyente. Para sa mga pasyenteng may sakit na Alzheimer, may nagawang bagong gamot na pumipigil sa buildup o pagdami ng chemical na pinaniniwalaang nagiging sanhi ng pagkawala ng memorya. Ang paggagamot sa vascular dementia ay kinabibilangan ng pagkontrol sa mga sanhi ng risk tulad ng high blood pressure at mataas na kolesterol. May mga karagdagang gamot na maaaring ibigay upang mabawasan ang sintomas ng dementia katulad ng problema sa pagtulog, problema sa paggalaw, depression o problema sa behavior katulad ng pagiging magalitin o pagkabalisa. At dahil magkakaiba ang paggagamot ayon sa sanhi ng dementia, napakahalaga na tama ang diagnosis.

Paano Ipalaam ang Dementia sa mga Health Care Provider

Ang maayos na pagbibigay ng impormasyon sa mga pangunahing care provider ay nakakaapekto sa kalagayan ng taong may dementia at pati rin ng caregiver niya. Malinaw na sabihin ang iyong mga problema at ilarawan ang mga pagbabagong naobserbahan mo upang matulungan ang health provider na suriing mabuti ang kalagayan. Kung minsan, maaaring malagay ka sa sitwasyon kung saan kailangan mong “i-educate” ang medical staff tungkol sa mga sintomas ng iyong kapamilyang maysakit.

Napakahalaga na seryosohin nila ang mga problema mo, at dapat ka nilang pakitunguhan nang may respeto at dignidad. Kung hindi mo natatanggap ang atensyon na kailangan mo, kailangang ipaalam mo ang iyong problema sa health provider at mag-request ng referral sa organisasyon sa community na dalubhasa sa evaluation ng mga taong nakararanas ng pagbabago sa pag-iisip. Ang layunin mo ay ang magkaroon ng kooperasyon upang mapanatili ang kalusugan ng maysakit at masolusyunan ang mga problema.

Ang Iyong Papel Bilang Caregiver

Nakatutulong ang pagkakaroon ng magandang ugnayan sa doktor upang mabigyan ng wastong pag-aalaga at tuluy-tuloy na suporta  para sa maysakit. Ang kumpletong medical examination kung saan tinanggal sa mga isinasaalang-alang ang mga sakit na maaaring magamot, at ang pagbibigay ng impormasyon ukol sa kasalukuyang kalagayan ng maysakit ang magsisilbing pundasyon para sa pagpa-plano ng pag-aalaga, ngayon at sa hinaharap.

Ang wastong diagnosis ang simula ng proseso ng edukasyon para sa mga caregivers at pamilya ng maysakit upang matugunan ang ang mga kanyang mga pangangailangan at mahanap at magamit ang mga resources. Ang irreversible dementia ay nangangailangan ng pag-aalaga na patindi nang patindi habang lumalala ang sakit. Sa pamamagitan ng edukasyon at paggamit ng mga available na resources, maaaring matuto ang mga kapamilya ng maysakit ng bagong kasanayan upang tugunan ang mga pabagu-bagong pangangailangan sa pag-aalaga.

Maraming mga pamilya ang pinipiling alagaan ang taong may dementia sa bahay. Bagama’t nakakapagpalago ng karanasan at nakakalugod ito, maaari rin itong magdala ng matinding stress. Ayon sa mga pag-aaral, mas matindi ang stress na dala ng pag-aalaga sa taong may problema sa utak kumpara sa pag-aalaga sa taong may pisikal na kapansanan. Napakahalaga na maglaan ang oras ang mga caregiver para sa sarili nila upang makabawi sa pisikal at emosyonal na pagod na dala ng pag-aalaga.

Napakahalaga na makatanggap ka ng suporta at tulong sa mga buwan o taon ng pag-aaalaga mo sa maysakit. Kakailanganin mo ng pahinga paminsan-minsan mula sa hirap ng pag-aalaga. Napakahalaga ng tulong mula sa mga kaibigan, ibang miyembro ng pamilya, o mga community agency upang patuloy mong maalagaan nang maayos ang kapamilya mong maysakit, upang hindi ka maging exhausted, frustrated, o ma-burned out o sumuko sa pagod at hirap.

Makatutulong rin sa mga pamilya ang safety-proofing o pagsigurado na ligtas ang bahay, pag-aaral ng mga technique kung paano haharapin ang behavior ng pasyente at lutasin ang mga legal at financial problem, upang  harapin ang dementia, at may mga resources na available para makatulong. Maraming caregiver support groups—kabilang na ‘yung ilan na matatagpuan sa Internet—ang nagbibigay ng emosyonal at praktikal na tulong. Maaaring kailanganin ng mga caregiver na turuan ang sarili nila ukol sa pangmatagalang pag-aalaga, at humingi ng tulong na kailangan nila mula sa kanilang komunidad . Nagbibigay ng impormasyon ang listahan ng mga resources sa ibaba kung saan dapat magsimula upang humanap ng tulong.

Ang bawat pamilya ay magkakaiba. Ang pag-aalaga sa taong may dementia sa bahay man o sa assisted living center, sa special Alzheimer’s care unit man o sa nursing home, depende ito sa resources ng pamilya at pangangailangan ng pasyente. Bagama’t karaniwan ang pagpasok ng pasyente na may malubha ng dementia sa mga facility, kumikilos ang bawat pamilya para sa pag-aalaga sa paraan na pinakamainam para sa kanila.

Ang research ukol sa mga sanhi at paggagamot sa dementia ay patuloy at mabilis na sumusulong. Nananalig kami na makakahanap ng mga bagong paraan na balang-araw, maaantala, malulunasan o kaya ay maiiwasan ang mga sakit na ito na nakakawasak sa buhay ng pasyente.

Resources

Family Caregiver Alliance
National Center on Caregiving

(415) 434-3388 | (800) 445-8106 
Website: www.caregiver.org
Email: [email protected]
FCA CareJourney: www.caregiver.org/carejourney
Family Care Navigator: www.caregiver.org/family-care-navigator

Nilalayon ng Family Caregiver Alliance (FCA) na i-improve ang kalidad ng buhay ng mga caregivers sa pamamagitan ng edukasyon, serbisyo, research, at pagtataguyod ng mga ito. Sa pamamagitan ng National Center on Caregiving, nagbibigay ang FCA ng impormasyon sa umiiral na social, public policy, at mga problema sa caregiving, nagbibigay ng tulong sa paggawa ng mga programang pampubliko at pribado para sa mga caregiver, tumutulong sa mga caregiver sa buong bansa na maghanap ng mga resources sa kanilang mga komunidad . Para sa mga residente ng San Francisco Bay Area, nagbibigay ang FCA ng mga direktang suporta sa pamilya  para sa mga caregivers ng mga taong may sakit na Alzheimer, na-stroke, may ALS, head injury, sakit na Parkinson, at iba pang mga sakit na nagiging sanhi ng pagiging baldado ng mga adulto.

FCA Fact Sheets

Ang listahan ng mga facts at tips ay matatagpuan online sa www.caregiver.org/fact-sheets.

Mga estratehiya sa Pag-aalaga

  • Gabay para sa Mga Caregiver Upang Maunawaan ang Ugali at Kilos ng mga Taong may Dementia
  • Pag-aalaga sa mga may edad Adulto na may Problema sa Pag-iisip at Memorya
  • Mga Option sa Community Care
  • Ang Pag-aalaga sa ‘YO Pag-aalaga sa Sarili para sa mga Caregiver sa Pamilya
  • Mga Legal Issues sa Pagpla-plano para sa Incapacity ng Pasyente

Kondiyon sa kalusagan

  • Alzheimer’s Disease
  • Dementia with Lewy Bodies
  • Frontotemporal Dementia
  • Huntington’s Disease
  • Parkinson’s Disease
  • Stroke

Iba Pang Organisasyon at Links

Eldercare Locator
eldercare.acl.gov
Tinutulungan ng Eldercare Locator ang mga matatanda at ang kanilang mga caregiver na humanap ng lokal na serbisyo katulad ng pagpapayo sa health insurance, libre at murang legal services, at contact information para sa Area Agencies on Aging (AAAs).

BenefitsCheckUp
www.benefitscheckup.org
Sa website na ito na ginawa ng National Council on Aging, pwede mong sagutan ang isang questionnaire upang maghanap ng federal, state, at local programs na maaari mong aplayan, at kung paano mag-apply.

ADEAR (Alzheimer’s Disease Education & Referral Center)
www.nia.nih.gov/alzheimers

Alzheimer’s Association
www.alz.org


Ang fact sheet na ito ay ginawa ng Family Caregiver Alliance kasama sina Jean Coleman, R.N., M.S., N.P., at Carole Bibeau, R.N., M.S., University of California, Davis Alzheimer’s Disease Center; Cynthia Barton, RN, M.S., GNP, Rosalie Gearhart, RN, M.S., and Jennifer Merrilees, RN, M.S., University of California, San Francisco Memory and Aging Center; at Helen Davies, RN, M.S., Stanford/Palo Alto VA. Sinuri ni William Jagust, M.D., Professor ng Public Health and Neuroscience, University of California, Berkeley. © 2005 Family Caregiver Alliance. All rights reserved.

Date: 
Monday, August 12, 2019